Ang adaptasyon ni Rody Vera ng Twelfth Night ni Shakespeare ay tunay naman na kahanga-hanga. Pagkatapos kong panuorin ang dula, napagdesisyonan kong basahin ang libro ni Shakespeare dahil meron naman kami sa bahay at masasabi kong talagang pinag-isipan at binigyang dangal nya ang isang makalumang istorya nang gawin nya itong bago ngunit nakakamangha at tunay na kapupulutan ng aral mula sa klasikong panahon.
Ang dula ay ginamitan nila ng arena na klase ng entablado kaya naman ito ay mas nagging kahanga-hanga. Pagpasok ko palang sa loob ay nagkaroon ako ng halong emosyon ng saya at excitement dahil first time kong makakaexperience manuod ng may arena bilang entablado. Pakiramdam ko ay kasali ako sa dula dahil iba ang pakiramdam nang mas malapit at mas ramdam mo ang mga aksyon at salita ng mga aktor.
Hinahangaan ko din ang mga aktor lalo na sa kanilang blockings sa entablado. Para sa akin ay napakahirap na kailangan nasa karakter ka, kabisado mo ang mga linya tapos ay iintindihin mo pa ang blockings para lamang makapanuod ng maayos ang mga audience ay sya nga namang nakakatuwa. Bagamat kahit sa ibang klase ng entablado ay importante pa din ang blockings, mas nakakahanga lamang isipin ang klase ng bilugan na entablado dahil di hamak na mas mahirap ito kumpara sa proscenium at iba pa.
Ang istorya ay umiikot sa buhay ng kambal na sina Viola at Bastian at ng iba pang miyembro tungkol sa pagsasanib ng dalawang malalaking film studios sa bansa noong mga panahong iyon. Nakatutuwang isipin na ang mga karakter ay hango mula sa kwento ni Shakespeare ngunit nabigyang paraan ni Vera na iparehas ang kwento nito ngunit may ibang punto at dating.
Kapupulutan din ng aral ang dulang D’ Wonder Twins of Boac dahil hinahandog nito ang kasaysayan ng Philippine Cinema at ang mga klase ng genre na mayroon tayo noong mga panahong iyon. Ito ay talaga namang napaka importante dahil, hindi man lahat, karamihan ng pelikula sa atin ngayon ay nakalilimot na yata sa kung anong klase ng pelikula mayroon tayo noon dahil tine-take nila ito for granted. Karamihan na lamang ng istorya na meron tayo ay tungkol sa pag-ibig. Ginagawa nilang puros pangkabuhayan na lamang ang pag gawa ng pelikula imbes na para sa kung anong laman at istorya ng mga ito. Nababatid kong aral ang magiging hatid ng dulang ito para sa mga mamemelikula ng kasalukyan upang mapagtanto nila ang kahalagahan ng pag gawa ng pelikula kung malalaman nila ang klase ng hirap na pinagdaan ng mga nagpo-prodyus at umaarte sa mga palabas noong Golden Age of Philippine Cinema.
Tunay na napaka gandang experience ang panunuod ng D’ Wonder Twins of Boac, sinabi ko din ito sa iba kong mga kaibigan na panuorin nila dahil talagang sulit ang kanilang mga bayad. Mula sa kwento, produksyon, tug-tog, ilaw, mga aktor at iba pa, talagang napaka imposible na hindi ito hangaan. Mas lalo ko itong na-appreciate dahil isa akong estudyante na kasalukuyang nag-aaral ng theater acting at production kaya naman ako ay lubos na nagagalak sa pagkakaroon ng pagkakataon makapanuod ng nasabing dula. Alam kong hindi iyon ang huli kong panunuod sa isang napaka gandang gawa ng kapwa ko Pilipino.